Saturday, December 25, 2010
Tulong Edukasyon Para Sa Batang Ibaan (TEBI): Ang Panimula At Kasalukuyan
Tulong Edukasyon Para Sa Batang Ibaan (TEBI): Ang Panimula At Kasalukuyan By Taga Ibaan Ako
Ayon sa tala ng Department of Education, sa bawat 10 na mag-aaral ng pumapasok ng Grade 1, 6 lamang dito ang nakakatapos ng Grade 6. Mula sa 6 na ito, 4 naman ang sa high school. At nakalulungkot isipin na isa (1) lang nakakatapos ng kolehiyo. Unang-una, kahirapan ng puno’t dulo ng sitwasyong ito na nagreresulta ng isa pang mas malungkot na kalagayan –ang kawalang ng kaalaman ng mga mamamayan sa pagsulat at pagbabasa. At malaking bahagi rin ng problemang ito ang kawalan ng kakayanan ng mga magulang na bumili ng lapis at papel na dalawa lang sa napakaraming instrumento upang matugunan ang nasabing suliranin. Dahil dito, hindi nakakapagtaka na naiiwan ang Pilipinas ng ibang karatig-bansa dito sa Asya.
Hindi nalalayo ang suliraning ito sa bayan ng Ibaan. Tayo man ay may mga batang mag-aaral na mayroon ding ganitong pangangailangan, hindi lingid ito sa kaalaman ng nakararami. Hindi man itinakda ng batas, bilang bahagi ng isang komunidad, bagamat malayo tayo sa pagiging isang maulad na bayan, marapat na bigyan natin ng pansin at maging bahagi ng solusyon upang matugunan ang pangangailangan ng batang Ibaan. Sa parting ito, binuo natin ang grupong Tulong Edukasyon Para Sa Batang Ibaan (TEBI).
Panimula
Isang guro ang aking ina sa pampublikong paaralan sa Ibaan. Wala sa hinagap ko ang maging guro, napunta pa rin ako sa linya ito ng propesyon sa isa mga Unibersidad sa Batangas City. At sa panahon na sinusundo ko pa ang aking ina sa paaralan pagkatapos ng klase nya, ganun na rin ang pagbisita sa ilang mga barangay sa Ibaan, naging saksi ako sa pangangailangang ito ng mga batang Ibaan.
Nauna na tayong namigay ng school supplies sa aming barangay sa nakalipas na mga taon. Sa di sinasadyang pagkakataon, muli kaming nagkita ni Jun Torrano. Naging kaibigan ko si Jun noong high school pa kami sa pamamagitan ng isa pag kaibigan na si Alvin Aguila (na ngayon ay pumanaw na). Sa muling pagkikita namin ni Jun, batang Ibaan ang tinuguhan at naging paksa ng marami naming pag-uusap. Katatapos lang ng eleksyon noon at isa sya sa mga kumandidato bilang konsehal ng bayan ng ibaan. At noong panahon na sya ay nangangampaya, naging saksi din sya sa kalagayang ito ng mga mahihirap na mag-aaral. Magkaiba ang punto at grupo ng pulitika naming dalawa, subalit hindi ito naging hadlang upang magtulungan kami para sa batang ibaan. At mula sa aming barangay Munting Tubig, inilabas at dinala natin sa mas maraming barangay ng Ibaan ang pamimigay ng school supplies. Mula doon, nabuo ang konsepto ng Tulong Edukasyon Para Sa Batang Ibaan, bagamat wala pang pormal na pagbuo nito.
Una naming naging proyekto ang komuidad ng Burol, isang liblib na lugar sa Brgy. Coliat I. Sa tulong ng aking mga estudyante sa kursong Human Resource Management, naka-ipon kami ng sapat ng bilang ng school supplies na ipamimigay sa mga bata sa Burol. Mula Batangas City, nagbyahe kami papuntang Coliat, Coliat papuntang Bago kung saan kami nagsimulang maglakad ng halos isang oras upang marating ang nasabing lugar. Tumawid kami ng ilog sa pamamagitan ng maliit at makitid na tulay na gawa lamang sa kawayan. Ayon sa nakasabay naming na taga-Burol, nasira na ng mga nagdaang bagyo at kalamidad ang dati nilang tulay na bakal kung kaya’t pinagkakasya na lamang nila ang kanilang mga sarili sa pagtawid sa kawayang tulay. At mga batang mag-aaral ang higit na nahihirapan, lalo na sa panahon ng tag-ulan. Ganun pa man, naging tagumpay ang una naming proyekto at nakapaghatid tayo ng ngiti sa mga bata sa kanilang komunidad kahit sa simpleng paraan.
Sumunod naman ang Bulsukan sa Brgy. Salaban I. Tulad ng Burol, isa rin itong komunidad na matatagpuan sa liblib na lugar ng nasabing barangay. Sa pagkakataong ito, mga estudyante naman ng Finance Magement ang aming nakasama. Sa grupong ito, ilan sa kanila ang taga-Ibaan mismo –bagay na nalaman lamang namin habang kami ay naglalakad papasok ng Bulsukan Halos isang oras din ang aming paglalakad. Sa haba ng paglalakad, halos nakikita rin namin ang mag-aaral na naglalakad ng ganung kalayo makapasok lamang sa eskwelahan. At tulad ng Burol, pagsasaka ang ikinabubuhay ng karamihan ng mga magulang sa Bulsukan –hindi naman “consistent” ang kanilang pinagkakakitaan upang patuloy na masuportahan ang pag-aaral ng kanilang mga anak.
Pagdating ng Bulsukan, nagkaroon muna ng pagpapakilala sa isa’t isa, sa mga magulang, sa batang Bulsukan, sa mga kasama nating estudyante ng kolehiyo sa Batangas City. Pagkatapos nun, nagkaroon ng mga palaro at ilang mga pangaral ang ibinigay sa mga bata. At tulad ng aming pakay, namigay kami ng mga libreng school supplies sa mga bata. Ngunit sa pagkakataong iyon, may dala rin kaming mga tsinelas na mula naman sa tulong pinansyal na ipinadala bilang suporta ng ating kaibigan na si Myrna Acebo mula sa Amerika. Dahil dito, naging lubos ang kaligayahan ng mga batang Bulsukan. At nagpapasalamat tayo lalong higit kay Ma’am Myra Acebo.
Pangatlo sa nabisita para pa rin sa ating proyekto ang Brgy. Matala. Sa pakikipag-ugnaya sa mga opisyales ng barangay at ilang pribadong mamamayan nito, nakapaghatid at nakapamigay tayong muli ng libreng school supplies sa mga bata. Sa bagay namang ito, isang kaibigan pa rin ang nagpadala ng tulong pinansyal. Nagpapasalamat tayo kay Ma’am Darren Chua, kasalukuyang nasa Dubai, sa kanyang tulong na sya namang ginamit natin na pambili ng school supplies, na ipinamigay sa Brgy. Matala. Naging mainit at maalinsangan ang araw na iyon, subalit hindi alilntana n gating mga volunteers upang maghatid ngiti sa ating mga mag-aaral. Sa pangalawang pagkakataon, mga estudyante pa rin ng Finance Management ang ating nakaagapay sa proyektong ito sa Brgy. Matala.
Kasalukuyan at Pinagkukunan
Pagkatapos ng proyekto sa Bulsukan, nagkaroon tayo ng pagpupulong, kasama si Jun Torrano at mga estduyante na mula mismo sa ating bayan ng Ibaan, upang pormal ng buuin ang grupong Tulong Edukasyon Para Sa Batang Ibaan. Nagtalaga tayo ng opisyales ng grupo na siyang mamamahala sa iba’t ibang aspeto ng proyekto nito.
Ang mga opisyales na naitalaga ay kinabibilangan ni Ms. Maricar Manigbas bilang Presidente. Nasa ikaapat na antas na sya ng kanyag pag-aaral sa kolehiyo at nagmula sa Brgy. Salaban I. Si Mr. Donn Francis Guerra, mula sa Brgy. Coliat ang Ikalawang Presidente. Kasunod nila si Ms. Kathleen Joyce Dimatulac bilang Secretarya na nagmula naman sa Brgy. San Agustin. Si Ms. Joan Arcoirez, mula sa Brgy. Quilo, ang naitalagang Auditor ng grupo. Kasama rin si Ms. Karah Manigbas, tubong Brgy. Salaban I at Ms. Mary Joie Caponpon mula Brgy. Quilo, bilang mga Correspondents.
Sa pagbuo ng grupo, naggawa tayo ng Facebook account, Batang Ibaan at Tulong Edukasyon Para Sa Batang Ibaan, upang mas higit na makakalap ng suporta mula sa iba’t ibang organisasyon at pribadong indibidwal. Sa pamamagitan din ng mga “accounts” na ito, naipapa-alam natin sa ating mga kababayan ang ating mga aktibidades na naglalayon naman na makakuha ng mas maraming “volunteers” para sa mga susunod na proyekto ng grupo.
Mula sa simula, nakakalikom at nakakaipon tayo ng school suppiies na ipinamimigay sa pamamagitan lamang ng aking panghihingi sa aking mga estudyante sa kolehiyo. Bagama’t ipinagbabawal n gaming Unibersidad ang humingi o manghingi ng anumang bagay mula sa estudyante, ginawa pa rin natin ito para sa batang Ibaan. Kung kaya’t ang nagiging “volunteers” at kasama natin sa bawat proyekto ay mga estudyante ng Unibersidad. Sa pagkakaroon natin ng maayos na relasyon sa kanila at maayos na pagpapaliwanag ng motibo nasabing proyekto, bukas palad silang nagbibigay ng mga school supplies. Nakakatuwang isipin na kahit ang mayorya nila ay mga hindi taga-Ibaan, bukas loob naman silang sumasama sa kung saan mang lugar sa ating bayan ng Ibaan upang mamigay ng school supplies.
Mula pamasahe papuntang Ibaan hanggang sa mga school supplies, hindi nila ito alintana kahit pa ang mga gastos dito ay mula sa kanilang mga sarilig bulsa, bukod pa ang kanilang hindi matatawarang pagod at sakripisyo para lamang makapaghatid ng saya sa ating mga kabataang mag-aaral. Tayo man gumagastos din upang maiskatuparan ang mga proyektong ito. At lubos naman tayong nagpapasalamat sa mga residente ng mga lugar na ating napupuntahan, dahil kahit sa paanong paraan, nagagawa pa rin nila tayong ipaghanda ng kahit napakasimpleng pangahalian para sa ating mga volunteers.
Sa kasamaang palad, mayroon ding limitasyon ang panghihingi sa aking mga estudyante ng school supplies. Darating ang panahon na maaring maging isyu ito laban sa akin. Sa puntong ito, kailangan ng alternatibong paraan upang masustena ang proyekto.
Bote Para Sa Lapis At Papel
Sa kagustuhan natin na maipagpatuloy at masustena ang proyektong ito ng grupo, at upang patuloy pa rin tayong makapaghatid ng tulong sa kapus-palad nating batang Ibaan, sinimulan po natin ang programang “Bote Para Sa Lapis At Papel”.
Sa programang ito, nais ng grupo na umapela at humingi ng tulong sa bawat tahanan sa bawat barangay sa pamamagitan ng kanilang mga bote tulad ng bote ng mantika, gin, toyo, suka at iba pa na maari sana nilang ipagkaloob sa grupo isang beses isang buwan. Anumang halaga na mapagbebentahan sa mga nasabing bote ang siya namang gagamitin na pambili ng mga school supplies. Sa ganitong paraan, makakalikom tayo ng sapat na pondo upang patuloy na masuportahan ang pagtulong ng grupo sa ating mga mag-aaral.
Ngayong buwang ng Disyembre 2010, hinahangad ng grupo ng muling makapagbigay ng libreng school supplies sa batang Ibaan sa isa na namang barangay. Nauna nang nagpaabot ng tulong pinansyal si Ma'am Jeanette Bautista ng Brgy. Tulay at isa pang kaibigan na may mabuting kalooban mula sa Brgy. Quilo at kasalukuyang nasa ibang bansa. Dahil sa mga katulad nila, nagiging daan ang TEBI upang maging konkreto ang kinabukasan ng ating mga kabataan. Muli, pasasalamat ang sa inyo ay aming ipinaparating.
Sa kasalukuyan, nakipag-ugnayan na po tayo sa ilang Punong Barangay ng ilang mga barangay sa ating bayan. At tayo ay lubos na nagpapasalamat sa kanilang pagsuporta sa layuning ito. Nais nating pasalamatan ang mga Punong Barangay tulad nina Kap. Marcivic Mendoza (Talaibon), Kap. Jepoy Endaya (Tulay), Kap. Anthony Rabino at Mr. Dante Rosima (Calamias), Kap. Hano Portugal at Kon. Lito Alido (Panghayaan), Kap. Rey Comia (Mabalor), Kap. Jose Bicol (Catandala), at Kon. Wilfredo Arcoirez (Quilo). Lahat po sila nagpahayag ng kahandaan na suportahan ang “Bote Para Sa Lapis At Papel”.
Alam natin na ilan o karamihan din sa ating mga kababayan ang umaasa sa mga bote bilang paraan ng pagsuporta sa kanilang pangangailangan. Sa proyektong “Bote Para sa Lapis At Papel”, makiki-amot pa at tila magiging balakid ang grupo sa bagay na ito. Ganun pa man, sa isang beses isang buwan na kami ay lalapit sa inyong mga tahanan, maraming kapus-palad na kabataan ang ating matutulungan. Kaya naman umaapela ang grupo sa inyong mabuting kalooban, para sa Batang Ibaan, sana kami ay inyong matulungan.
Para po sa inyong tulong, suhestyon o suporta, maari po kayong makipag-ugnayan sa numero bilang 09126363557, 09206912127 at 09212785301. Maari din po kayong bumisita sa Facebook account na Taga Ibaan Ako, Batang Ibaan, Tulong Edukasyon Para Sa Batang Ibaan. Ganun din sa mga accounts ng mga opisyales ng grupo.
Links For TEBI Videos and Photos
Lapis at Papel Sa Burol
Videos
Part I http://on.fb.me/hFJ1I6
Part II http://on.fb.me/g12un8
Part III http://on.fb.me/hWoFqx
Part IV http://on.fb.me/fdI5ld
Part V http://on.fb.me/gFMOm2
Photos
http://on.fb.me/hbBd2U
http://on.fb.me/f15JJv
Bulsukan: Ang Tagong Paraiso
Videos
Part I http://on.fb.me/eUKKk4
Part II http://on.fb.me/fah882
Part III http://on.fb.me/eVNIoK
Part IV http://on.fb.me/gCc7qI
Part V http://on.fb.me/fVnWpg
Photos: http://on.fb.me/gzRfKe
TEBI Sa Matala
Video: http://on.fb.me/gmlqdE
Photos: http://on.fb.me/fPNhUt
TEBI formal meeting photos
http://on.fb.me/gCymRh
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Please write/leave your comment(s) here. Thanks.
ReplyDelete